23/04/2026
Pinagtibay ng ang nauna nitong Desisyon na nagdeklarang napapaso ang kasong cyber libel sa loob ng isang taon mula nang matuklasan ito. Sinabi nito na hindi isang bagong krimen ang cyber libel kundi isang anyo lamang ng “libel” sa ilalim ng Artikulo 355 ng Revised Penal Code na isinasagawa sa pamamagitan ng computer system o iba pang katulad na paraan.
Sa isang Resolusyon na isinulat ni Associate Justice Henri Jean Paul B. Inting, isinantabi ng En Banc ng Korte Suprema ang magkahiwalay na motion for reconsideration na inihain nina Berteni Cataluña Causing (Causing) at ng Office of the Solicitor General (OSG).
Noong Disyembre 2020, naghain si Ferdinand L. Hernandez (Hernandez), Kinatawan ng Ikalawang Distrito ng Cotabato, ng reklamo para sa cyber libel laban kay Causing kaugnay ng mga Facebook post nito na nag-aakusa kay Hernandez na umano’y nagbulsa ng mahigit PHP 200 milyon na relief goods para sa mga biktima ng Marawi. Ayon kay Hernandez, natuklasan niya ang mga naturang post noong Pebrero 4 at Abril 29, 2019.
Nagsampa siya ng kaso sa Regional Trial Court (RTC) laban kay Causing noong Mayo 2021. Naghain siya ng motion to quash the Informations o mosyon para ipawalang-bisa ang mga Information at iginiit na napaso na ang mga ito alinsunod sa Revised Penal Code (RPC) dahil mahigit isang taon na ang lumipas mula nang mai-upload ang mga post.
Isinantabi ng RTC ang mosyon at nagpasya ito na may prescriptive period na 12 taon ang cyber libel sa ilalim ng Republic Act No. (RA) 10175 o Cybercrime Prevention Act.
Umapela si Causing sa Korte Suprema. Nilinaw ng Korte na isang taon mula sa petsa ng pagkakatuklas ang prescriptive period para sa cyber libel alinsunod sa tradisyunal na libel sa ilalim ng RPC. Pero isinantabi ng Korte ang mosyon ni Causing na ipawalang-bisa ang mga Information dahil sa kakulangan ng sapat na patunay na paso na nga ang krimen. Binigyang-diin ng Korte na maaari pa siyang magprisinta ng ebidensiya sa paglilitis sa RTC.
Kapwa naghain ang Office of the Solicitor General (OSG) at si Causing ng magkahiwalay na partial motion for reconsideration.
Sinabi ng OSG na hindi dapat ilapat sa cyber libel ang isang taong prescriptive period para sa tradisyunal na libel sa ilalim ng RPC. Sa halip, dapat umanong maging 15 taon ito sa ilalim ng Cybercrime Prevention Act, alinsunod sa naunang desisyon ng Korte Suprema sa isang resolusyon sa kasong Tolentino v. People.
Sa kabilang banda, iginiit ni Causing na dapat magsimula ang prescriptive period mula sa petsa ng publikasyon at hindi mula sa pagkakatuklas para sa cyber libel. Ayon sa kanya, mas malawak ang naaabot ng mga online post kumpara sa tradisyunal na paraan ng paglalathala. Kung paiiralin ang discovery rule, maaaring maisampa ang mga kaso ng cyber libel kahit ilang taon matapos mailathala ang post, basta’t huli lamang itong natuklasan ng naagrabyadong partido.
Tinanggihan ng Korte Suprema ang parehong argumento.
Ayon sa RPC, napapaso ang written libel sa loob ng isang taon. Walang batas na nagbubukod sa cyber libel mula sa isang taong prescriptive period na ito at patuloy na itinuring ng Kongreso ang libel bilang may mas maikling prescriptive period kumpara sa ibang krimen kahit pa tinaasan ang kaparusahan nito.
Muling iginiit din ng Korte Suprema na hindi hiwalay na krimen ang cyber libel kundi libel na isinagawa sa pamamagitan ng computer system. Kahit na mas mataas ang parusa sa cyber libel sa ilalim ng Cybercrime Prevention Act ay hindi nangangahulugang dapat ding pahabain ang prescriptive period nito lampas sa tradisyunal na libel.
Dagdag pa ng Korte, kapag hindi malinaw ang mga batas ukol sa prescription o pagkakapaso ng mga krimen, dapat itong desisyunan pabor sa akusado. Dahil itinatakda ng RPC ang isang taong prescriptive period para sa libel, ito ang mananaig laban sa 15 taon na itinakda ng isang unsigned resolution sa Tolentino v. People.
Pinagtibay din ng Korte na nagsisimula ang prescription mula sa pagkakatuklas ng krimen at hindi mula sa paglathala. Malinaw sa batas na tumatakbo ang prescription mula sa oras na matuklasan ang krimen ng naagrabyadong partido o ng mga awtoridad.
Pitong Mahistrado ang nakiayon kay Justice Inting sa mayorya. Sila ay sina:
-Chief Justice Alexander G. Gesmundo
-Senior Associate Justice Marvic MVF Leonen
-Associate Justice Alfredo Benjamin S. Caguioa
-Associate Justice Rodil V. Zalameda
-Associate Justice Samuel H. Gaerlan
-Associate Justice Jose Midas P. Marquez
-Associate Justice Maria Filomena D. Singh
Sa kanyang Concurring Opinion, iginiit ni Senior Associate Justice Marvic M.V.F. Leonen na dapat ilapat lamang sa mga kasong libel laban sa mga pribadong indibidwal ang isang taong prescriptive period. Dagdag pa niya, dapat nang i-decriminalize ang libel laban sa mga public figure sapagkat ang pagpaparusa sa mga komento at kritisismong nakatuon sa mga opisyal ng pamahalaan ay pumipigil sa malaya at walang hadlang na talakayan tungkol sa kung paano nila ginagampanan ang kanilang tungkulin.
Sa kanyang Concurring Opinion, binigyang-diin naman ni Associate Justice Alfredo Benjamin S. Caguioa na matagal nang itinakda sa isa o dalawang taon ang prescriptive period para sa libel at hindi kailanman umabot sa 10 taon o higit pa.
Samantala, anim na Mahistrado ang nakiayon kay Associate Justice Antonio Kho, Jr. sa kanyang dissent:
-Associate Justice Ramon Paul L. Hernando
-Associate Justice Amy C. Lazaro-Javier
-Associate Justice Ricardo R. Rosario
-Associate Justice Jhosep Y. Lopez
-Associate Justice Japar B. Dimaampao
-Associate Justice Raul B. Villanueva
Sa kanyang Concurring at Dissenting Opinion, sumang-ayon si Justice Kho, Jr. sa mayorya na hindi nagtatakda ng mga doktrina ng batas ang mga unsigned resolution. Pero hindi siya sumang-ayon sa itinakdang prescriptive period para sa cyber libel. Ayon sa kanya, dahil isinasagawa sa pamamagitan ng mga computer system ang cyber libel at pinarurusahan sa ilalim ng Cybercrime Prevention Act, isang hiwalay na krimen ito mula sa libel kaya’t hindi dapat ilapat dito ang isang taong prescriptive period.
Basahin ang press release sa https://sc.judiciary.gov.ph/?p=163671
Basahin ang buong Resolusyon sa https://sc.judiciary.gov.ph/?p=163636
Basahin ang Sumasang-ayon na Opinyon ni Senior Associate Justice
Marvic M.V.F. Leonen: https://sc.judiciary.gov.ph/?p=163642
Basahin ang Sumasang-ayon na Opinyon ni Justice Alfredo Benjamin S. Caguioa: https://sc.judiciary.gov.ph/wp-admin/post.php?p=163650
Basahin ang Sumasang-ayon at Hindi Sumasang-ayon na Opinyon ni Justice Antonio T. Kho, Jr.: https://sc.judiciary.gov.ph/?p=163661
Sumunod sa Credit Attribution Policy ng SC PIO: https://sc.judiciary.gov.ph/credit-attribution-policy/.